Ang aming tungkulin
Kami ang Australian Taxation Office (ATO). Ang aming tungkulin ay pamahalaan ang mga sistema ng buwis at superannuation (super).
Ang mga buwis ang nagbabayad para sa mga serbisyo at imprastraktura, katulad ng kalusugan at transportasyon ng publiko. Binibigyan nito ng mga benepisyo ang lahat ng mga Australyano.
Nais naming gawing madali hangga't maaari ang buwis at super.
Makikita mo sa aming website ang impormasyon tungkol sa:
- paano gumagana ang mga sistema ng buwis at super sa Australya
- pag-aaral (para sa mga estudyanteng galing sa ibang bansa)
- pagkuha ng tax file number (TFN) at pagsisimula sa iyong unang trabaho
- tax, super at rehistrasyon para sa mga taong nagsisimula ng kanilang sariling negosyo
- pagsumite ng iyong tax return
- pagpapalago at pagsubaybay ng iyong super para sa iyong pagreretiro.
Mas gusto mo bang makinig? I-klik para makinig sa Pilipino
Tingnan ang aming glossary ng mga karaniwang salita na nauugnay sa buwis at super.
Kung hindi mo naiintindihan ang impormasyong ito, maaari kang makipag-usap sa isang ahente ng buwis o makipag-ugnayan sa amin.
Paano gumagana ang buwis at bakit nagbabayad tayo nito
Ano ang buwis
Ang buwis ay pera na kinokolekta namin sa ngalan ng pamahalaan. Maaaring kailangan mong magbayad ng buwis kung kumikita ka mula sa:
- isang trabaho
- mga allowance at bayad ng Centrelink
- pagpapatakbo ng negosyo
- ibang mga pagkukunan (katulad ng interes sa bangko).
Bakit tayo nagbabayad ng buwis
Ang perang kinokolekta namin ay nagbabayad sa mga serbisyo katulad ng:
- kalusugan
- edukasyon
- depensa
- mga kalsada at riles
- social security at iba pang mga pagbabayad na mula sa CentrelinkExternal Link (sa Ingles).
Paano ako magbabayad ng buwis?
Kung nagtatrabaho ka para sa isang employer, kukunin nila ang buwis mula sa iyong sahod o suweldo at ibibigay nila ito sa amin.
Kung mayroon kang ibang kita, katulad ng kita mula sa negosyo o interes sa bangko, maaaring kailangan mong magbayad sa amin ng buwis. Kung kailangan mo ng tulong, maaari kang makipag-ugnayan sa amin o sa isang nakarehistrong ahente ng buwis.
Karamihan sa mga tao ay kailangang magsumite ng isang tax return bawat taon upang sabihin sa amin kung magkano:
- ang kinita nila
- ang buwis na binayaran nila.
Ginagamit namin ang impormasyong ito upang kalkulahin kung binayaran mo ang tamang halaga ng buwis para sa taon.
Kung ikaw ay nagbayad nang sobra, ikaw ay tatanggap ng refund. Kung hindi ka nagbayad ng sapat na tax, ikaw ay tatanggap ng bayarin sa tax (tax bill) na kailangan mong bayaran nang buo at nasa oras upang maiwasan ang singil sa interes.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Buwis: paano ito gumagana at bakit nagbabayad tayo nito
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4x9bmwExternal Link (Duration: 00:01:56)
Pag-aaral sa Australia at tax
Kung nag-aaral ka sa Australya nang 6 na buwan o higit pa, maaari kang ituring na residente para sa mga layuning pagbubuwis (tax residency). Iba ito sa pagiging residente para sa mga layuning migrasyon.
Ang tax residency ay nangangahulugang:
- ang iyong income tax rate ay pareho sa mga residenteng Australyano. Sa pangkalahatan, ito ay mas mababa kaysa sa tax rate para sa mga dayuhang residente.
- may karapatan ka sa para sa mga benepisyo ng sistema ng buwis ng Australya, katulad ng
- hangganan ng libreng-buwis (tax-free threshold)
- mga offset sa buwis (tax offset).
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pag-aaral sa Australya
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4oyyorExternal Link (Duration: 00:00:46)
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Pag-aaral sa Australya (sa Ingles)
- Pagkalkula sa iyong tax residency (sa Ingles)
Pagsisimula ng iyong unang trabaho sa Australya
May mga bagay na dapat mong malaman bago magsimula sa iyong bagong trabaho.
Kumuha ng numero ng file ng buwis (TFN) bago magsimulang magtrabaho.
Ang iyong tax file number (TFN) ay ang iyong personal na pansangguning numero (reference number) para sa aming sistema ng pagbubuwis. Dapat mag-apply ka para sa iyong TFN bago ka magsimulang magtrabaho o kaagad pagkatapos. Kung wala kang TFN na maibibigay sa iyong employer, magbabayad ka ng mas malaking buwis.
Libre ang pagkuha ng TFN.
- Mag-apply para sa TFN (sa Ingles)
Panatilihing ligtas ang iyong TFN
Mananatiling pareho ang iyong TFN sa iyong buong buhay, kahit magbago pa ang iyong pangalan, lumipat sa ibang trabaho o estado o pumunta sa ibang bansa.
Huwag pahintulutan ang ibang tao na gamitin ang iyong TFN – kahit na iyong mga kaibigan o kamag-anak.
Huwag kailanman ibigay ang iyong TFN sa aplikasyon sa trabaho o sa internet. Dapat mo lang ibigay ang iyong TFN sa iyong employer pagkatapos na magsimula kang magtrabaho para sa kanya. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng pagkumpleto ng Tax file number declaration form.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagsisimula sa iyong unang trabaho
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4x617dExternal Link (Duration: 00:01:14)
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
Kapag magsisimula ka nang magtrabaho
Sa sandaling magsimula kang magtrabaho may mga ilang bagay na kailangan mong malaman at gawin.
Kumpletuhin ang isang deklarasyon ng tax file number
Hihilingin sa iyo ng iyong employer na punan ang Tax file number declaration form upang makuha nila ang iyong personal na impormasyon at TFN.
Ginagamit ng iyong tagapag-empleyo ang deklarasyong ito upang kalkulahin kung magkano ang buwis na kailangan mong bayaran.
May 28 araw ka upang magbigay ng deklarasyon sa iyong employer. Kung hindi mo ito ibibigay, kukuha sila ng mas malaking buwis mula sa iyong sahod.
Magkano ang buwis na iyong babayaran
Kakaltasin ng iyong employer ang buwis mula sa iyong sahod at ipapadala ito sa amin. Tinatawag itong 'pay as you go withholding' (pagkakaltas ng buwis kada pasahod).
Ang halaga ng buwis na iyong babayaran ay magdedepende sa:
- kung ikaw ay isang residente ng Australya para sa mga layuning pagbubuwis
- magkano ang kita na iyong kinikita
- kung mayroon kang TFN.
Bawat taon, karamihan sa mga tao ay nangangailangang kumumpleto ng ulat balik-buwis ng kita (tax return) at magsumite nito sa amin.
Superannuation
Ang superannuation, o ‘super’, ay perang binabayaran ng iyong employer nang higit pa sa iyong regular na kita sa isang superfund na iyong pinili. Makapag-aambag ka rin sa iyong super. Ang iyong super ay lumalaki sa kabuuan ng iyong buhay pagtatrabaho. Gagamitin mo ang iyong super sa iyong pamumuhay kapag nagretiro ka na sa trabaho.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
Pagtanggap ng bayad ng cash
Ang ilang employer ay may gustong bayaran ka ng cash sa halip na magdeposito sa iyong bank account. Okey lang ito kung sila ay:
- nagkakaltas ng tamang halaga ng buwis mula sa iyong sahod at ipinadala ito sa amin
- nagbibigay sa iyo ng mga payslip na nagpapakita kung magkano ang buwis na iyong binayaran
- nagbabayad ng tamang halaga ng super sa iyong super fund.
Kung hindi nila gagawin ang mga bagay na ito, maaaring makatanggap ka ng mas kaunting bayad at super na dapat mo sanang matanggap.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagsisimula sa iyong unang trabaho
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4x6iaxExternal Link (Duration: 00:02:10)
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
Ekonomiyang ibinabahagi (Sharing Economy)
Kung ikaw ay kumikita ng pera sa pamamagitan ng sharing economy (kilala rin bilang gig economy) maaaring ang buwis sa kita (income tax) at Buwis sa mga Bagay at Serbisyo (GST) ay mailalapat sa iyong mga kita. Kabilang dito ang:
- pagpapa-upa ng lahat o bahagi ng iyong tahanan sa pamamagitan ng mga platform tulad ng Airbnb, Vrvo o Flipkey
- pagbabahagi ng iyong mga ari-arian tulad ng mga kotse, caravan, paradahan ng kotse at mga lugar-imbakan at personal na mga gamit sa pamamagitan ng mga platform tulad ng Camplify, Uber Carshare, at Toolmates.
- pagbibigay ng mga serbisyong malikhain at propesyonal tulad ng naglalarawang disenyo (graphic design), paglikha ng mga website, at mga kakaibang trabaho tulad ng mga pagdedeliber at pagkakabit ng mga muwebles sa pamamagitan ng OneFlare, Mad Paws at Airtasker.
Ang kita mula sa pamamasada (ride sourcing income), kinita sa pamamagitan ng mga platform tulad ng Uber, Didi, Shebah o GoCatch, ay napapailalim sa income tax at GST. Lahat ng mga drayber na kumikita mula sa pamamasada (ride-sourcing drivers) ay kailangang magkaroon ng Numero ng Negosyo sa Australya (ABN) at marehistro para sa GST.
Kung ang iyong mga kita ay kasama sa iyong tax return, maaari ka ring maging karapat-dapat sa isang kabawasan para sa mga gastos mong may kinalaman sa sharing economy.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Ekonomiyang ibinabahagi
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiurjwos4mExternal Link (Duration: 00:01:34)
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Ekonomiyang ibinabahagi (Sharing Economy) (sa Ingles)
Kita mula sa mahigit sa isang trabaho
Kung ikaw ay isang residente ng Australia para sa mga layuning buwis sa buo o bahagi ng taon ng pananalapi (financial year), maaari kang mag-claim ng hangganan ng libreng-buwis (tax-free threshold). Nangangahulugan ito na mas kaunting buwis ang ikakaltas ng iyong employer mula sa iyong kita.
Kung ikaw ay mayroong higit pa sa isang trabaho sa parehong panahon, nararapat na sa isang employer ka lang mag-claim ng tax-free threshold upang maiwasang makatanggap ng tax bill kapag nagsumite ka ng iyong tax return. Sa pangkalahatan, ikaw ay dapat mag-claim ng tax-free threshold mula sa trabahong nagbibigay sa iyo ng pinakamataas na kita. Gayunpaman, kung ikaw ay nakaseseguro na ang iyong kabuuang kita para sa financial year mula sa lahat ng iyong mga employer ay $18,200 o mababa pa, maaaring piliin mong mag-claim ng tax-free threshold mula sa bawat isang tagabayad.
Kapag nagsumite ka ng iyong tax return, kailangan mong i-ulat lahat ng iyong kita at ang halaga ng buwis na ikinaltas. Aming kakalkulahin ang kabuuan ng iyong nabubuwisang kita, at seseguruhing ikaw ay nagbayad ng tamang halaga ng buwis.
Empleyado o malayang kontratista
Naiiba ang pagiging empleyado sa pagiging kontratista.
Ang empleyado ay nagtatrabaho sa negosyo ng isa pang tao, samantalang ang malayang kontratista ay karaniwang pansariling namamasukan at nagpapatakbo ng kanilang sariling negosyo.
Ang ilang mga employer ay maaaring maling tratuhin ka bilang isang kontratista o hikayatin ka na kumuha ng ABN upang subukang iwasan ang kanilang mga responsibilidad.
Ang mga taong nagpapatakbo ng negosyo lang ang nangangailangan ng ABN. Kung ang iyong employer ay hindi wastong nagpapasuweldo sa iyo bilang isang kontratista, maaaring mawalan ka ng oportunidad para sa mga bagay kagaya ng:
- sick leave (hindi pagpasok sa trabaho dahil sa sakit)
- holiday pay (suweldo sa empleyado kahit lumiban sa trabaho para magbakasyon)
- super
- work cover (insurance o seguro sa trabaho).
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Pagtatrabaho bilang isang empleyado (sa Ingles)
Pagtatrabaho bilang isang malayang kontratista
Ang mga malayang kontratista ay mayroong iba-ibang mga obligasyon sa buwis at super ng mga empleyado. Maaari kang magtrabaho bilang malayang kontratista alinman bilang isang solong mangangalakal (sole trader) o bilang trabahador ng isang kompanya, sosyohan o trust. Maaari mo ring tawagin ang iyong sarili na isang subkontratista o ‘subbie’.
Bilang isang malayang kontratista, ikaw ay nagsisimula o nagpapatakbo ng sarili mong negosyo. Kung gayon kailangan mong bayaran ang sarili mong buwis.
Maaaring kailangan mo rin:
- ng ABN
- na magparehistro para sa GST
- na alamin kung ang kita mo ay papailalim sa mga tuntunin para sa buwis sa mga personal na serbisyo (personal services income)
- na magsumite ng pantaunang ulat ng mga bayaring binuwisan (taxable payments annual report TPAR)
- na magbayad ng garantiyang super para sa ilan sa iyong mga manggagawa
Higit pa riyan, bilang isang malayang kontratista, ikaw ay:
- hindi makatatanggap ng paid leave; halimbawa, mga bakasyon sa pagkakasakit, taunan, panlibangan o pangmahabang serbisyo
- responsable sa pagtatama ng iyong mga pagkakamali sa sarili mong gastos, at maaaring kailangan mong magbayad ng mga gastusin kung ang iyong trabaho ay magresulta sa pinsala o kapahamakan
- may karapatang magdelegado o mag-subcontract ng trabaho sa iba
- magdadala ng lahat ng mga kasangkapan at kagamitan na kailangan mo para gawin ang iyong trabaho
- mangangailangang bumili o umupa ng iyong mga kasangkapan sa kalakalan o anumang kagamitang kailangan mo para gawin ang trabaho
- maaaring gawin ang iyong trabaho sa anumang paraan basta makumpleto mo ang trabaho nang ayon sa pinagkasunduang pamantayan, o sa mga tiyak na tuntunin sa iyong kontrata o kasunduan.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagtatrabaho bilang isang malayang kontratista
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiurjwos4zExternal Link (Duration: 00:02:06)
Mga karapatan at obligasyon sa lugar ng trabaho
Ang lahat ng mga taong nagtatrabaho sa Australya ay may parehong mga karapatan at proteksyon sa trabaho. Ang mga minimum na rate ng suweldo at mga kondisyon sa lugar ng trabaho ay itinatakda ng batas ng Australya.
Ang Fair Work Ombudsman ay makakapagbigay sa iyo ng impormasyon at payo tungkol sa iyong mga karapatan at obligasyon sa lugar ng trabaho. Mayroon silang ganitong impormasyon sa iba't ibang wika.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
Pagsisimula ng iyong sariling negosyo
Kapag ikaw ay nagsisimula ng iyong sariling negosyo (starting your own business) mayroon kang mga obligasyon sa buwis. Maaaring karapat-dapat ka para maghabol ng ilang pagkakaltas para sa mga gastos sa negosyo upang mabawasan ang iyong buwis.
Kung nagpapatrabaho ka ng mga tao upang magtrabaho para sa iyo sa iyong negosyo, kailangan mong magbayag ng buwis at super para sa kanila.
Kung hindi ka sigurado kung ano ang kailangan mong gawin, magtanong sa isang nakarehistrong ahente ng buwis o makipag-ugnayan sa amin para humingi ng tulong.
Bago ka magsimula sa iyong negosyo
Kailangang malaman mo kung ikaw ay nasa negosyo. Mayroon kaming nakalaang impormasyon sa Ingles upang makatulong na matukoy ito.
Kung nagpapatakbo ka ng negosyo, may mga kinakailangang ligal katulad ng:
- pagsabi sa amin kung magkano ang kita mo
- pagtago ng tumpak at kumpletong mga rekord ng iyong mga transaksyon sa negosyo
- pagsumite at pagbayad ng iyong mga obligasyon sa buwis nang nasa oras.
Pagpili ng istruktura ng iyong negosyo
Mayroong 4 na pangunahing uri ng Negosyo sa Australia:
- solong mangangalakal
- pagsososyo
- kompanya at
- trust.
Tinatawag ang mga itong istruktura ng negosyo (business structures) (sa Ingles).
Ang bawat istruktura ay may iba't ibang panuntunan sa buwis at pag-uulat. Nakakaapekto ang mga ito sa kung magkano ang babayaran mong buwis at ano ang mangyayari kung nagkaka-utang ka. Kailangan mong maintindihan ang mga panuntunang ito bago mo piliin ang istruktura ng iyong negosyo.
Pagpapasimula ng iyong negosyo
Pagpaparehistro sa iyong negosyo
Kapag nagsimula ka ng negosyo, kailangan mong kumuha ng:
- isang ABN
- isang TFN, (kung ikaw ay solong mangangalakal, gumagamit ka ng iyong sariling TFN para sa iyong negosyo at kung pipili ka ng ibang istruktura, kailangan mong mag-aplay para sa isang TFN).
Depende sa halaga ng perang kinita mo at kung ikaw ay may mga empleyado, maaaring kailangan mo ring magparehistro para sa:
- GST
- pay as you go (PAYG) withholding
- fringe benefits tax (FBT).
Pagkuha ng ABN
Ang Numero ng Negosyo sa Australya (ABN) ay isang natatanging numero para magamit ng iyong negosyo kapag nakikitungo sa ibang mga negosyo, pamahalaan, at sa ATO.
Hindi lahat ng tao ay may karapatan sa isang ABN. Kailangan mo lang nito kung nagpapatakbo ka ng isang negosyo.
Kung mayroon kang ABN, dapat mong ilagay ito sa iyong mga talaan ng singilin at bayarin (invoices). Kung hindi, kukuha ang ibang mga negosyo ng mas malaking buwis kaysa karaniwan mula sa anumang pagbabayad nila sa iyo at ipapadala nila ang buwis sa amin.
Libre ang pagkuha ng ABN.
- Pag-aaplay para sa ABNExternal Link (sa Ingles)
Pagpaparehistro para sa GST at iba pang mga buwis
Kung ang iyong negosyo ay may mga empleyado o kontratista, kahit na sila ay kapamilya, may ilang dagdag na bagay na kailangan mong gawin.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Pagpaparehistro (sa Ingles)
Pagsusuweldo sa iyong mga manggagawa
Kung ang iyong negosyo ay may mga empleyado o kontraktor, kahit na sila ay kapamilya, may ilang dagdag na bagay na kailangan mong gawin.
Pagpapasuweldo sa mga empleyado
Kapag ikaw ay kumuha ng mga empleyado, kailangang masiguro mo na natutupad mo ang mga obligasyon sa tax at super.
Sa unang araw na magsisimulang magtrabaho para sa iyo ang isang empleyado, kailangan mong papunan sa kanila ang TFN declaration form. Kung hindi nila gagawin ito, kailangang kunin mo ang buwis mula sa kanilang suweldo sa pinakamataas na rate at ipadala ito sa amin.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Deklarasyon ng tax file number (sa Ingles)
PAYG withholding
Kung may mga empleyado ka, kailangang kunin mo ang buwis mula sa kanilang suweldo at ipadala ito sa amin. Tinatawag itong 'pay as you go withholding' (pagkakaltas ng buwis kada pasahod).
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- PAYG withholding (sa Ingles)
Pagbabayad ng super
Kung may mga empleyado ka, kailangan mong bayaran ang mga kontribusyon ng superanuation (super) para sa mga naaangkop na empleyado. Ipapadala mo ang perang ito sa kanilang pondo ng super. Tinatawag ito na 'garantiyang super'. Dapat mong bayaran ang super ng iyong mga empleyado nang buo, nasa oras at sa tamang fund.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Super para sa mga tagapag-empleyo (sa Ingles)
Single touch payroll (STP)
Ang Single Touch Payroll ay nangangahulugang kailangan mong sabihin sa amin ang impormasyon ng payroll ng iyong mga empleyado bawat pagkakataon na sinusuwelduhan mo sila. Kailangan mong i-ulat ang:
- mga nabayarang suweldo o sahod
- na-withhold na buwis
- mga kontribusyon sa super
Kung kailan at paano ka mag-uulat ay magdedepende sa kung ilang empleyado mayroon ang iyong negosyo.
Makakakuha ka ng espesyal na software na pang-negosyo na tutulong sa iyo na iulat ang impormasyong ito sa akin. May mga libre at murang produktong software.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Single Touch Payroll (STP) (sa Ingles)
Pagbayad ng mga malayang kontratista
Kung kukuha ka ng kontratista upang magtrabaho sa iyong negosyo, may ilang naiibang panuntunan sa buwis at super. Mahalaga na maintindihan ang kaibahan sa pagitan ng mga empleyado at kontratista.
Sa ilang mga pagkakataon, kailangan mong magbayad ng superannuation para sa mga malayang kontratista na tinuturing na empleyado para sa layuning pang-superannuation.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
Pag-uulat at pagbabayad ng buwis
Kung nagpapatakbo ka ng negosyo, maaaring kailangan mong magbayad ng buwis sa perang kinita ng iyong negosyo. Kailangan mo ring magbayad ng perang nakolekta mo sa ngalan ng gobyerno at iyong mga empleyado. Ang uri ng tax return na iyong isusumite ay magdedepende sa istruktura ng iyong negosyo. Maaaring kailanganin mo ring isumite ang mga pahayag ng aktibidad (activity statement). Importante na magsumite at magbayad bago ang mga takdang petsa.
Ang iyong tax return
Ang iyong tax return ay magsasabi sa amin kung:
- magkano ang perang kinita ng iyong negosyo
- magkano ang buwis na iyong babayaran.
Kailangan mong magsumite ng isang tax return bawat taon.
Kung itinatag mo ang iyong negosyo bilang solong mangangalakal, gagamitin mo ang iyong indibidwal na tax return upang isumite ang impormasyon sa buwis ng iyong negosyo.
Kung itinatag mo ang iyong negosyo bilang may kasosyo, kompanya o trust, gagamit ka ng ibang uri ng tax return para lang sa iyong negosyo.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Tax return ng kita para sa negosyo (sa Ingles)
- Mga Indibidwal – pagsusumite ng iyong tax return (sa Ingles)
Activity Statement ng Negosyo (BAS)
Ang mga BAS ay naiiba sa mga tax return. Ang iyong BAS ay makatutulong sa iyo na i-report at bayaran ang mga buwis tulad ng:
- buwis sa mga bagay at serbisyo (GST)
- mga instalment ng pay as you go (PAYG)
- PAYG withholding.
Kapag ikaw ay nagparehistro para sa ABN at GST, awtomatiko naming ipadadala sa iyo ang BAS kung panahon nang magsumite.
Kahit wala kang ire-report sa iyong BAS, kailangan mo pa ring magsumite ng ‘nil’ na BAS sa takdang petsa.
Importanteng magsumite at magbayad ng iyong BAS sa takdang panahon. Maaaring kailangan mong gawin ito ng tatluhang buwan, kada buwan o taunan, depende sa iyong payment cycle. Kung nahihirapan kang magbayad, makipag-ugnayan ka sa amin o sa iyong tax professional para sa tulong upang makabalik ka sa tamang panahon ng pagbabayad, bago ang susunod mong pagsusumite.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Activity Statement ng Negosyo (BAS) (sa Ingles)
Paghahabol ng mga pagkakaltas at konsesyon
Kung gagamit ka ng pera sa mga gastos para sa iyong negosyo, maaari kang maghabol ng pagkakaltas sa buwis. Ibig sabihin nito na magbabayad ka ng mas kaunting buwis.
Ang ilang negosyo ay maaari ring maging karapat-dapat para sa mga konsesyon, offset o rebate ng buwis.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Mga Pagbabawas (sa Ingles)
- Mga konsesyon, offset at rebate (sa Ingles)
Pagpigil ng isang bayarin ng buwis (tax bill)
Kapag nakatanggap ka ng tax bill, kailangan mo itong bayaran nang buo at nasa oras para maiwasan ang pangkalahatang singil ng interes.
May mga magagawa ka para maitakda ang sarili mo sa tagumpay at maiwasan ang tax bill. Kapag ikaw ay nagpapatakbo ng isang negosyo, mayroong perang pagmamay-ari mo at perang kinolekta mo sa ngalan ng gobyerno at iyong mga empleyado. Kailangan mong magbukas ng hiwalay na account sa bangko para sa:
- GST
- PAYG withholding
- ang super guarantee ng iyong mga empleyado.
Ang paggamit ng hiwalay na account sa bangko ay magbibigay-daan sa iyo na subaybayan ang iyong mga pananalapi at makakatulong na mabayaran mo ang iyong buwis nang buo at nasa oras. Huwag gamitin ito para sa cash flow (sa Ingles) ng iyong negosyo.
Pagpapanatili at pagtatabi ng mga rekord ng negosyo
Ang pagpapanatili at pagtatabi ng mga rekord ay mahalaga sa maayos na pagpapatakbo ng iyong negosyo. Kailangang panatilihin at itabi ang ilang rekord nang hindi kukulangin sa 5 taon. Ang pagpapanatili at pagtatabi ng mga wastong rekord ay tutulong din sa iyo na:
- malaman kung ang iyong negosyo ay kumikita o nalulugi
- subaybayan ang iyong kita at mga gastos
- ipakita sa mga bangko o nagpapautang ang pananalapi ng iyong negosyo.
Pagsusumite ng iyong tax return
Bawat taon, karamihan sa mga tao ay kailangang magkumpleto ng isang tax return at magsumite nito sa amin. Sa iyong tax return, sinasabi mo sa amin ang lahat tungkol sa iyong kita at mga kaltas para sa taon.
Ginagamit namin ang impormasyong ito upang kalkulahin kung kailangan mong magbayad ng dagdag na buwis o kung kailangang ibalik sa iyo ang iyong pera (isang refund ng buwis).
Ang mga tax return (paglalahad ng kinita para sa pagbubuwis) ay para sa pampinansyal na taon mula ika-1 ng Hulyo hanggang ika-30 ng Hunyo. Kung ginagawa mo ang sarili mong tax return, kailangan mo itong isumite sa amin sa pagsapit ng ika-31 ng Oktobre.
Kung gusto mo ng libreng tulong sa pagkumpleto ng iyong tax return at mababa ang iyong kita, maaaring makatulong sa iyo ang aming nasanay na mga boluntaryo sa Tax Help.
Kung ikaw ay gumagamit ng isang ahente ng buwis, kailangan mong makipag-ugnayan sa kanila bago ang ika-31 ng Oktobre. Dapat mong suriin kung nakarehistro ang iyong ahente ng buwis.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagsumite ng iyong unang tax return
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4oyswxExternal Link (Duration: 00:01:11)
Sino ang kailangang magsumite ng tax return
Kailangang kumpletuhin ng karamihan ang kanilang tax return at isumite ito sa ATO kada taon. Ang mga dahilan kung bakit kailangan mong magsumite ng tax return ay kabibilangan ng:
- kung may buwis na kinaltas mula sa kitang tinanggap mo
- kung ikaw ay residente ng Australia at ang binubuwisan mong kita ay higit sa tax-free threshold ($18,200)
- kung gusto mong mag-claim ng anumang kabawasan sa buwis
- kung ikaw ay nagbabayad o tumatanggap ng child support
- kung tumanggap ka ng anumang negosyo, pamuhunan, o dayuhang kita
- kung paalis ka sa Australia o nakatira sa ibang bansa at mayroong suportang pautang para sa pag-aaral o pagsasanay.
Kung hindi ka sigurado, mayroon kaming tool sa Ingles na makakatulong sa iyo.
Bakit kailangan kong magsumite ng tax return?
Kailangang malaman ng ATO kung magkano ang kinita mo sa taong pinansyal (financial year) at kung anong mga kinaltas (deductions) ang maaari mong i-claim. Malalaman nila mula sa impormasyong ito kung kailangan mong magbayad ng karagdagang buwis (tax bill) o kung kailangang ibalik sa iyo ang iyong pera (tax refund).
Ang financial year ay mula ika-1 ng Hulyo hanggang ika-30 ng Hunyo.
Kailan ko dapat isumite ang aking tax return?
Kung ikaw mismo ang gumagawa ng iyong tax return, kailangan mo itong isumite bago sumapit ang ika-31 ng Oktubre kada taon.
Kung may isang nakarehistrong ahente ng buwis (registered tax agent) na tumutulong sa iyong tax return, kailangan mong makipag-ugnayan sa kanila bago ang ika-31 ng Oktubre.
Paano ko isusumite ang aking tax return?
Kung ikaw mismo ang gumagawa ng iyong tax return, maaari mo itong isumite online sa pamamagitan ng myTax (sa Ingles).
Kung kumuha ka ng serbisyo ng isang registered tax agent, dapat kang makipag-appointment para kausapin siya.
Anong impormasyon ang kailangan ko sa pagsusumite ng aking tax return?
Kailangan mo ng iyong:
- TFN
- mga detalye ng iyong account sa bangko sakaling may perang kailangang ibayad sa iyo
- kita – upang patunayan ang perang kinita mo
- mga income statement (pahayag ng kita) mula sa lahat ng iyong tagapag-empleyo
- mga payment summary (buod ng kabayaran) mula sa Centrelink
- mga pagkakaltas (deductions) at mga gastos – upang patunayan ang anumang pagkakaltas na iyong kine-claim
- mga resibo para sa mga gastos na may kinalaman sa trabaho, mga donasyon o regalo
Kung isasampa mo ang iyong tax return online gamit ang myTax, kailangan mong magbukas ng isang myGov account at i-link ito sa ATO (sa Ingles).
Ang mga employer, bangko at iba pang mga negosyo ay nagbibigay sa ATO ng mga detalye ng mga tao na katrabaho nila. Kung hihintayin mo ang katapusan ng Hulyo, isasama ng ATO ang mga detalyeng ito sa iyong tax return para sa iyo. Ito ay magpapabilis at magpapadali ng pagsusumite ng iyong tax return. Kailangan mong tingnan kung tama ang impormasyon at idagdag ang anumang kulang.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagsumite ng iyong unang tax return
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4oy38wExternal Link (Duration: 00:02:44)
Anong mga kita ang kailangan kong isama?
Kailangan mong isama lahat ng iyong kinita sa buong financial year. Ibig sabihin, ang perang kinita mo mula sa lahat ng iyong mga trabaho, kabilang ang:
- full time
- part time
- kaswal o paminsan-minsang trabaho
- self-employment (pagtatrabaho para sa sarili)
- mga cash job (trabahong binabayaran ng cash at walang kasulatan).
Dapat mo ring isama ang perang kinita mo sa ibang mga paraan, kabilang ang:
- interes mula sa mga bank account
- mga kabayaran mula sa gobyerno (halimbawa, mula sa Centrelink)
- pag-aari ng paupahang propyedad
- kita mula sa ibang bansa at mga pamuhunan
- mga dividend sa share market
- mga pamamahagi mula sa mga pagsososyo at mga trust
Paano mo man ito kinita, huwag kalimutang isama ito sa iyong tax return.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Mga kita, kabawasan, offset at record (sa Ingles)
Anong mga pagkakaltas ang maaari kong i-claim?
Maaari mong i-claim ang mga pagkakaltas para sa mga gastos na may kinalaman sa iyong trabaho. Kasama sa mga karaniwang pagkakaltas ang:
- kotse, sasakyan at mga gastos sa paglalakbay
- mga kasangkapan, computer at mga bagay na gamit sa trabaho
- mga gastos sa pananamit at paglalaba
- mga gastos habang nagtatrabaho mula sa bahay
- mga gastos sa pansariling edukasyon
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Mga pagkakaltas na maaaring mong i-claim (sa Ingles)
- Ang pagtatabi ng mga rekord tungkol sa mga gastos na kaugnay sa trabaho
Dapat kang magpakita ng mga patunay (halimbawa mga resibo), para sa anumang mga pagkakaltas na iyong kine-claim. Kailangang panatilihin at itabi ang mga rekord na ito nang hindi kukulangin sa 5 taon. Maaaring hilingin sa iyo ng ATO na ipakita ang mga patunay na ito anumang oras.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagsumite ng iyong unang tax return
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4oy5csExternal Link (Duration: 00:01:34)
Ano ang mangyayari pagkaraan kong magsumite?
Karamihan ng mga tax return na naisumite online ay napoproseso sa loob ng 2 linggo. Kung ang iyong return ay kailangang maproseso nang mano-mano, maaaring magtagal ito. Maaari mong tingnan ang status sa pamamagitan ng iyong myGov account. Pagkaraang maproseso ang iyong tax return, magpapadala ang ATO ng abiso ng pagtatasa sa iyong myGov inbox. Ipapakita nito kung ikaw ay makakakuha ng refund o kung may tax bill kang babayaran.
Kapag nakatanggap ka ng tax bill, bayaran mo ito sa takdang petsa na itinakda ng iyong abiso ng pagtatasa.
Pagbayad ng iyong bayarin sa buwis (tax bill)
Nagbibigay ang ATO ng iba’t ibang paraan ng pagbayad sa iyong bayarin sa buwis. Ang pinakamadali at pinakaligtas na paraan ay ang BPAY® o ang aming mga serbisyong online.
Kung hindi ka makakabayad ng iyong bayarin sa buwis nang buo at nasa oras, mayroong mga nakalaang pagpipiliang suporta (support options available) sa Ingles. Maaari kang magbukas ng isang plano ng pagbabayad (payment plan) (sa Ingles) gamit ang aming mga serbisyong online. Ang mga pagbabayad para sa mga payment plan ay dapat makumpleto sa pinakamaigsing panahon upang mabawasan ang mga singil sa interes. Kung kailangan mo ng dagdag na suporta, makipag-ugnayan ka sa amin o sa iyong propesyonal sa buwis bago ang takdang petsa.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Pagbayad ng iyong bayarin sa buwis (tax bill)
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiurjwos4sExternal Link (Duration: 00:00:50)
Bakit importante ang super
Ang superannuation (super) ay pera na itinatabi sa panahon ng iyong buhay pagtatrabaho upang makapaglaan para sa iyong pagreretiro. Ang super ay perang ibinayad ng iyong employer, nang higit sa iyong regular na kita, sa isang super fund na maaari mong piliin. Maaari ka ring makapag-ambag sa iyong super.
Mahalaga ang super dahil kung mas marami kang maiipon, magkakaroon ka ng mas maraming pera sa pagreretiro. Maaaring ito ang isa sa pinakamalaking ari-ariang maiipon mo sa buong buhay mo
May mga limitasyon sa edad sa panahon kung kailan mo makukuha ang iyong super. Maaari mong i-withdraw ang iyong super kung ikaw:
- ay umabot na sa preservation age at retirado
- natutugunan mo ang mga kailangan para sa maagang paglabas, o
- ay naging 65 taong gulang na (kahit hindi ka pa retirado)
Maging maingat kapag may sinumang nag-aalok na tulungan ka sa pag-withdraw sa iyong super nang maaga. Ito ay maaaring iligal o isang scam.
Kung nagtatrabaho ka sa Australya nang may pansamantalang visa at uuwi ka, maaari mong makuha ang iyong super. Ito ay tinatawag na Departing Australia superannuation payment (DASP, pagbabayad ng superannuation para sa mga taong aalis sa Australia).
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Mga pangunahing impormasyon tungkol sa iyong superannuation (sa Ingles)
- Ilegal na mga iskema sa super – mag-ingat sa mga alok ng maagang pagwi-withdraw ng iyong super (sa Ingles)
- Departing Australia superannuation payment (DASP, pagbabayad sa superannuation sa taong aalis sa Australia)
Manatiling ligtas mula sa mga scam
Ang mga scam ay dinisenyo upang lokohin ka para:
- magbigay ng iyong personal na impormasyon (tulad ng iyong TFN, myGov sign in credential o mga detalye ng account sa bangko)
- magbayad ng pera.
Ito ang ilang simpleng tip upang maiwasan ang mga scam:
- Huwag i-click ang anumang link o buksan ang anumang mga attachment sa mga email at SMS, kahit na ang mensahe ay tila nanggaling sa amin.
- Mag-isip muli bago ibahagi ang iyong personal na impormasyon sa sinuman, lalo na sa telepono o sa kasulatan.
- Huwag na huwag ibahagi ang iyong detalye sa pag-sign in sa myGov sa kaninuman, kabilang ang iyong rehistradong tax agent.
- Huwag pahintulutan ang iyong mga kaibigan o miyembro ng pamilya na gamitin ang iyong TFN
- Huwag mong ibahagi ang iyong mga online password sa kaninuman at siguruhin mong madalas itong napapalitan.
Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang:
- Ito ba ay isang scam? (sa Ingles)
- Patotohanan o iulat ang isang scam (sa Ingles)
- Krimen na hinggil sa pagkakakilanlan (sa Ingles)
- Kamakailang mga scam alert (sa Ingles)
Paghingi ng tulong
Kung kailangan mo ng tulong sa iyong buwis o super, tawagan kami sa telepono sa:
- 13 28 61 – para sa mga personal na tanong
- 13 28 66 – para sa mga tanong na nauugnay sa negosyo
- 13 10 20 – para sa mga tanong na nauugnay sa super
Kung gusto mong makipag-usap sa amin sa isang wika maliban sa Ingles, tawagan kami gamit ang Translating and Interpreting Service (Serbisyo sa Pagsasalin at Pag-interpret) sa 13 14 50.
Hinihikayat namin kayo na kontakin kami nang maaga upang makapagtrabaho kami para sa iyo – hindi pa huli na humiling sa amin ng tulong.
Ano ang maaasahan mo kung tatawag ka sa amin sa telepono
Kailangang nakahanda ang iyong TFN o ABN kapag tumawag ka.
Kapag makikipag-usap ka sa isang kinatawan ng serbisyo sa kustomer, maaaring magtanong sila sa iyo ng isang serye ng mga tanong upang tulungan silang makilala ka. Tumutulong ito upang protektahan ang iyong personal na mga rekord sa buwis.
Hindi kami makakapagbigay sa iyo ng impormasyon tungkol sa ibang tao, kahit na pamilya mo pa sila. Kung tumutulong ka sa isang kaibigan o miyembro ng pamilya, kailangang kasama mo sila kapag tumatawag ka sa telepono maliban kung nasa rekord ka bilang kanilang 'awtorisadong kinatawan' sa mga sistema namin.
Makinig sa aming mga gabay sa audio sa Pilipino
Media: Paghingi ng tulong
https://tv.ato.gov.au/ato-tv/media?v=bd1bdiud4x64y5External Link (Duration: 00:01:37)
Mga sanggunian
Marami pang mga sangguniang nakalaan para matulungan ka sa iyong tax at super:F
Awtorisado ng Pamahalaan ng Australia, Canberra.
Authorised by the Australian Government, Canberra.